At napapangiti ka na lang..

“There’s a rainbow always after the rain..” 

Nagsimula ang kwento sa isang napakadilim na kwarto, kung saan yakap yakap mo ang binigay niyang teddy bear at wala kang tigil sa kakaiyak. Iniisip mo ang bagay na pinagsisihan mong gawin, mga bagay na sana ginawa mo na lang din para makuha siya ulit kahit alam mong wala ka na talagang laban. Ang mga araw na halos mamatay ka sa lungkot dahil nasanay kang may good morning text message galing sa kanya at dahil sobrang nasasaktan ka talaga. Iniisip mo yung mga panahong pinupuntahan ka niya para lang makasama ng matagal. Yung mga panahong wala ka na lang ginawa kundi tumawa at kiligin. At ang mga oras na hinihiling mong sana kayo na lang ulit. Sana hindi ka nasasaktan ngayon. Sana hindi siya nagsawa. Sana hindi siya bumitaw. Sana nahintay ka niya. Puro sana. Sana… Sana… Sana… Pero sa huli, wala kang nagawa kundi mabuhay ng wala sa nakasanayan mo ng halos dalawang taon. Kasi kailangan, kasi hindi pwedeng huminto ang mundo mo kahit siya pa ang nawala. Kasi kailangan mong matutunan ang salitang “acceptance”. At kasi kailangan mong mabuhay..

Sabihin na nating, ilang buwan na ang nakalipas simula ng sinabi niya ang mga katagang, “Kaibigan na lang ang turing ko sayo..” Ouch. Sakit noh? Tapos maraming iikot sa utak mo. Feeling mo natanggalan ka ng isang parte ng katawan mo at sa sobrang sakit. May letter. Last letter kuno. Daming nasabi. May promise. Tapos isang araw, basag lahat ng pangako. Yung mga bagay na hindi inaasahan, nangyayari. Magagalit ka. Maiinis. At boom! Ikaw na si Miss Bitter 2011.

At ng dahil sa mga nararamdaman mo, to the rescue ang super friends.  Andiyan sila para pagalitan ka dahil sa mga katangahan mo, patawanin ka hanggang sa makalimutan mong nasasaktan ka at marrealize mong hindi isang malaking kawalan ang pag alis ng isang tao sa buhay mo. Oo, may mga bagay na natutunan ka sa taong yun. Isa siya sa mga pinaghugutan mo ng lakas dati. Pero hindi ibig sabihin na titigil ang mundo ng dahil sa nawala siya. Kailangan mong ipagpatuloy ang paglalakbay. Hindi pwedeng habambuhay ka na lang sa stopover. Malay mo may mas magaganda ka pang makita sa kabilang kanto.

Paggising mo isang araw, maiisip mo lahat ng nangyari at lahat lahat ng napagdaanan mo. Tapos mapapangiti ka na lang at magpapasalamat sa lahat ng tumulong sayo lalo na sa Diyos dahil nakayanan mo lahat ng pagsubok na binigay Niya sa buhay mo. Sa wakas! Dumating na rin ang araw na nasabi mo sa sarili mong, “Okay na ako.” Sobrang sarap sa pakiramdam hindi ba? :)

At dahil okay ka na. Bawal na emote emote. I-enjoy ang buhay. :) Pakinngan ang kantang Young, Wild and Free ni Whiz Khalifa. At wag tumigil na maniwalang, true love waits.

Anong trip ng buhay mo?

Simple lang naman ang gusto ko nung bata pa ako e. Ang maging isang doktor. At parang lahat naman ng bata pangarap o ambisyon din yun sa buhay. Kapag yun kasi ang isinasagot sa mga titser na nagtatanong kung ano ang gusto ng isang bata paglaki, madali lang magbigay ng rason. Simpleng pagsabi lang ng, “Kasi po titser gusto ko pong makatulong sa mga may sakit at mahihirap..” Sa ganung sagot, bilib na bilib naman na ang titser mo. Mataas na grado mo sa recitation o di kaya lalagyan ka ng star ng titser mo sa kamay at tuwang tuwa ka namang ipakita sa nanay mong naglalaba. Tama ba ako?

 

Habang nilalakbay ko ang pagiging buhay estudyante ko, nasa isip ko pa din ang pag-aaral ng medicine kapag ako’y magkokolehiyo. Pero isang araw, nagising na lang ako na iba na ang gusto ko. Sobra kong idol ang mga magulang ko, kaya naman gusto kong mag-aral ng Information and Technology o IT. Masyado ko rin kasing mahal ang mga computers at iba pang mga gadgets diyan. Basta lahat ng may koneksyon sa technology gusto kong pag-aralan. Yun nga lang, kahit na gusto ko yun, mas pinili kong kunin ang pambansang kurso, ang nursing. Sa parteng ito, ang masasabi ko na lang ay ang isa sa pinakasikat na kataga sa mundo, “MOTHER KNOWS BEST”..

 

Pero sa kabilang banda, nagpapasalamat pa rin ako at ang kasalukuyan kong kurso ang pinili ko. Bukod sa toxic at magastos, masaya at maraming matututunan sa pag-aaral ng nursing.

 

At bumabalik ang utak ko sa IT. Gusto kong matuto pa ng napakarami tungkol sa technology. Gusto kong maging web designer. Gusto kong maging magaling na photo editor. Minsan pa nga pumapasok sa utak ko ang mag-aral ng photography. At nung nakaraang buwan, nasabi ko na ring gusto kong mag-aral ng medicine. Pero naisip ko ulet, parang andami ko naman ng gustong gawin.  Kailangan ko talagang pag-isipan kung saan ako dadaan.

 

Sa totoo lang, hindi ko pa talaga alam kung ano ang trip o ruta ng buhay ko. Napakatagal na rin akong nagiisip kung ano ba talaga ang gusto ko. Pero sabi nga naman ng tatay ko sa akin noon, “Kailangan mo munang mag-focus kung nasaan ka ngayon. Kapag natapos mo na, gawin mo na lahat ng gusto mong gawin..”

Lahat ng tao, NAGBABAGO.

Pagbabago ang tanging permanente sa mundong ito. 

Bawat araw nga nagbabago. Pati mga hayop nagbabago rin ng mga kilos. Ang mga magagandang halaman nalalanta rin. Ang mga masasamang tao, nagiging mabuti para maging masaya. Ang bawat cover ng libro nagbabago rin. Ang anyo ng mga cellphone nagbabago. Ang anyo ng mundo at ang mga nakatira dito nagbabago.

Naniniwala akong sa bawat pagbabago na nangyayari, may dalawang pagpipilian ang taong sangkot. Pwede siyang magbago para sa kabutihan o para sa kasamaan. Depende kung ano ang makapagpapasaya sa kanya.

Sa pagbabagong magaganap, pwede itong mapasaya o mapalungkot. Depende sa atin yun. Sabi ng nanay ko, ang pagiging masaya daw ay choice ng isang tao. Tama nga naman siya. Nasa satin naman kung gagawa tayo ng ikalulungkot lang natin. Lahat ng tao gustong maging masaya.  Kung may mga dumadaan mang mga araw na malungkot tayo, isipin na lang natin na isa yun sa mga pagsubok ng Diyos para sa atin, para gawin tayong matatag na tao.

Ambilis lang ng panahon. At minsan, hindi natin namamalayan na marami na rin palang pagbabago na nagaganap sa mga buhay natin. Minsan, subukan mong umupo at mag reflect sa mga bagay bagay. Magugulat ka na lang, marami na rin palang mga bagay na hindi na katulad ng dati. Kung ang pagbabagong ‘yun ay ikinalungkot mo, isipin mo na lang atlis sa pagkakataong ito alam mo na ang dapat gawin. Alam mo na kung sino ang mga taong pagkakatiwalaan, alam mo na kung ano ang mas makapagpapasaya sayo. Sa kabilang banda, kung itong pagbabago naman ay ikinasaya mo, ipagpatuloy mo lang. Masayang maging masaya. Hindi ko naman pwedeng sabihin na wag mong hahayaan ang sarili mong masaktan, kasi alam ko, isa sa mga dahilan kung bakit nagiging matapang o matatag ang isang tao ay dahil sa mga masakit na pinagdaanan nito. At isa sa mga dahilan kung bakit nagbabago ang isang tao ay dahil sa pait at sakit na naramdaman niya..

Sa bawat pagbabago, sana piliin pa rin nating maging mabuti sa mga taong nakapalibot sa atin kahit na pakitaan tayo ng hindi maganda.. :)

Panahon na para magbago..

Umo-okay na.

Hindi ko alam kung may napanaginipan ba ako o anong nangyari at pagkagising ko kaninang umaga, nakangiti na lang din ako bigla. Hindi naman ako in-love. Hindi naman na rin siya nagtetext. Wala naman akong nakitang balloons sa kisame. Wala naman akong katabing t-shirt na superman. Wala naman ring cake sa table. Hindi naman ako nakakita ng unggoy. Wala namang number 14 sa dingding namin. Pero, nakangiti lang din ako ng ilang minuto bago bumangon. HAHA. =) Nababaliw na ba ako? E mukhang hindi naman.

 

Siguro, kung may mga taong nagtataka kung bakit feeling nila malungkot sila na hindi naman alam kung anong rason, ako naman yung kabaliktaran nun. Nakangiti ako at pakiramdam ko ako ang pinakamasayang tao kanina na hindi ko alam ang rason. Napaisip ako..  Siguro, nakamove on na ako sa mga bagay bagay. Siguro, tanggap ko na ng husto kung bakit (….) Siguro nga, handa na akong kumilala pa ng ibang taong nagpaparamdam. Baka siguro, nahanap ko na yung sarili ko.

 

Masayang isipin na pagkatapos ng lahat ng nangyari, masasabi kong okay na ako ngayon at natutunan kong mag-let go. Kaya ngayon, ready na akong magsulat ng panibagong chapter sa libro ko sa mundong ‘to..

 

 Alam kong maraming pagbabago ang mangyayari, pero kahit kelan hinding hindi kita makakalimutan.. =)

 

 

Yan kasi e.

Minsan, kahit gaano mo isumpa na hindi ka na aasa at hindi ka na rin mangangarap na mangyari pa lahat ng meron sa inyo dati, wala yung magagawa. Kahit isumpa mo pa sa bato o sa diary mo, wala ring magagawa yun. Nakalimutan mo na ba, hanggang ngayon nagmamahal ka pa rin? Malamang sa mga naipakita niyang mga galaw sa mga nakaraang araw, pakiramdam mo naman nagbabalik loob siya. Epssss ka lang.

 

Gaano ka kaulyanin para kalimutan mong matagal na kayong tapos at wala ka ng karapatang magtampo sa tuwing hindi na siya magtext? Feeling ka masyado para iyakan siya kapag di lang siya nagtext. Ano ka girlfriend? E di ba ex girlfriend ka na lang? O e ano ka ngayon? Umasa ka. Ayan tuloy, naiwan ka na namang luhaan ngayon. Tatanga tanga ka kasi. Nainlove ka na naman sa mga simpleng bagay na ginagawa niya. E wala lang naman sa kanya yun.. Haaay. Sa susunod, mag-isip isip ka ha?

 

Kung nasasaktan ka ngayon, siguro hindi na niya kasalanan yun. Ikaw na mismo nanakit sa sarili mo, paasa asa ka pa kasi. Sa susunod, wag na ganun. Lagi mo na lang isipin na, nagiging mabait lang siya sa’yo. At walang halong feelings yun. Dahil isa ka lang hamak na kaibigan para sa kanya. Kuha mo?

071411

At eto na nga! Dumating na nga ang araw na ‘to.. Mas importante pa nga ata ang araw na ‘to kesa sa birthday ko. Haha. Hmm. Gusto ko lang sabihin pandagdag pansin na sensitive ako sa mga dates lalo na kapag special talaga ang araw na yun. Magaling akong magmemorize ng mga dates na nagpaalala ng mga masasaya at malulungkot na mga pangyayari. Hindi nga lang sa mga araw na holiday. Dahil hanggang ngayon hindi ko alam kung kelan ang National Heroes’ Day..

Kung bakit importante sa akin ang araw na ‘to? Dahil yan sa isang unggoy. Special sa akin yung unggoy. At kahit kelan hindi naman na ata magbabago yun. Kahit na pinili niyang (…..) hindi pa rin nagbabago yung (…) sa kanya. Siguro nabawasan pero (…)  Tapos (…) Kaya hindi ko alam kung paano (…) Basta sa ngayon ang alam ko lang (…)  =)

Gusto kong i-dedicate ang post na ito para sa unggoy. Kung ikaw nga yun at alam mo kung anong meron sa araw na ‘to..  Heto para sa’yo ang post na ‘to.

Gusto kong sabihin sa’yo na ikasasaya ko na rin sa tuwing masaya ka. Sana matupad lahat ng minimithi mo sa buhay. Gusto ko ring malaman mo na nandito lang ako lagi. Pagpasensyahan mo sana kung tila nagpapakaampalaya ako. Masakit pa kasi hanggang ngayon. Kapag siguro ang ampalaya naging mangga na, magiging maayos na rin ang lahat. Wag na wag mong kakalimutang ngumiti. 

Kung di man tayo hanggang dulo, wag mong kalimutan nandito lang ako laging umaalalay hindi ako lalayo. Dahil ang tanging panalangin ko ay ikaw..”

PS. Pasensya na kung hanggang ngayon, ikaw pa rin. Hindi ko sinasadya =)

By chance

Gusto ko lang i-share sa inyo ang short film na ito na napanood ko sa youtube kanina kanina lang. Makatotohanang kwento nga naman talaga. Ramdam na ramdam ko habang pinapanood ang bawat eksena. Napagdaanan ko na rin kasi ang mga katulad ng napagdaanan ng dalawang bida ng pelikula. Pagkakaiba nga lang, walang balikan na naganap. Dahil daw wala ng pagmamahal na nararamdaman..

Sabi ng bidang babae, “It doesn’t mean that when you don’t feel anything the love is gone..” Tama nga naman. Hindi naman talaga ganun kadaling mawala na lang parang bula ang pagmamahal mo sa isang tao. Kahit anong pilit mo, kahit sabihin mong ayaw mo na dahil hindi na tama, kahit ilang beses mong piliting magmahal talaga wala pa rin. Sa huli, pipiliin mo pa ring mahalin yung taong nanira ng depinisyon ng pag-ibig sa’yo. Katangahan strikes ba ito?

Paano mo nga ba masasabing wala ka ng nararamdaman para sa isang tao? Paano mo kaya malalamang wala na talaga at kailangan mo ng tumigil?

May isang tao akong kilala. Napakastrong niyang tao. Marami akong natutunan sa kanya. Mula ng dumating siya, andami ng nagbago sa akin, mula sa pagiisip hanggang sa mga pananaw ko sa buhay at pag-ibig. Siya ang nagturo sa aking maniwala ako sa sarili kong kakayahan. Naging isa siya sa mga rason dati kung bakit ako patuloy na nagsusulat dito. Malaki rin ang pasasalamat ko sa kanya. Sa kabilang banda, nakita at naramdaman ko kung paano siya nagmahal.  Pero sa tingin ko, hindi siya katulad ng karamihan na sasangayon na kapag wala ka ng nararamdaman hindi ibig sabihin na hindi mo na mahal ang isang tao. Dahil para sa kanya, napakadali lang para sabihin ang mga salitang “Wala na akong nararamdamang pagmamahal..” Magkakaiba nga talaga ang personalidad ng mga tao.

At gusto ko pang idugtong dito kahit wala naman atang sense.. Lahat ng tao nagbabago. At lahat sila umaalis. Merong hindi na talaga babalik sa’yo. Meron rin namang kahit anong mangyari babalik at babalikan ka. By Chance nga naman talaga..

X-plor

Hindi na ako masyadong natutuwa sa fesbuk ngayon. Paulit ulit na pagklik sa Home, Profile, Home, Profile, Home, Profile.. Kaya dahil dun, naisipan kong tignan ang mga wall photos ko. Napatigil ako sa isang letrato na may pinakamaraming komento. At napatitig ako sa dalawang komento ng isang kaibigan.

 

Tama siya.  SOBRA. Nung nabasa ko ulit ‘to, napaisip ako ng isang buong araw. Tapos napangiti lang ako ng napakatagaaaaaal. Maraming pumasok sa utak ko. Dumaan na naman ang mga masasayang araw. Mula nung nagkakilala hanggang sa tuluyan ng nawala ang lahat. Lahat ng pinagdaanan umikot rin sa utak ko. May konting kirot pa pala. Pero.. Ayos na rin siguro lahat ng ‘to.

 

Hindi pwedeng ma-stuck ka lang sa iisang tao, bagay o lugar. Marami pang kailangang matutunan sa mundo. Kung sa ngayon natapos ka na sa isa na namang chapter ng buhay mo, lahat ng natutunan mo kailangan mong baunin at gamitin sa pang araw araw na pakikisabak sa mundong ‘to. Bawat kirot na nararamdaman, mas lalo kang nagiging malakas at matapang. Hayaan mo lang ang lahat ng nangyayari sa’yo, lahat ng ‘to may rason.

 

Patuloy sanang humilom ang mga sugat. Wag sana tayong matakot magmahal muli. At wag rin sana tayong huminto at mapagod na mag-eksplor ng mga bagay bagay..

 

 

 

Wag-naman-na-sana-kitang-makita-bukas

 

 

 

Araw-araw ko ‘tong nakikita. Lumabas man ako ng bahay o hindi. MapaTV, jersey, plate number, sa shirt o kung san san pa. Naisip ko kung kelan pa naging uso sa buong planeta ang numero na ‘to. Sa totoo lang, hindi na ako natutuwa at naiinis ako. Hindi naman sa hate ko yung numero, ayoko lang talaga muna siyang nakikita sa mga panahong ‘to.

Sana okay ka ;)

Halos tatlong buwan rin simula nung muli kong nakita si brightest star. Napakatagal ko rin itong hinanap hanap. Akala ko hindi ko na makikita. Tapos kanina, napatingin ako sa itaas at sa hindi inaasahang pagkakataon, katapat ko si brightest star. Nandun siya! Napangiti ako ng napakatagal habang nakatingin. Yun nga lang unti-unti ring nawawala yung ngiti ko..

Sana masaya ka. Yun lang naman ang tanging hiling ko.