Habang isinusulat ko tong post na to, ginawa ko munang paulit ulit yung kantang Magkabilang Mundo ni Jireh Lim sa iTunes. Para feel na feel kong magsulat habnag nakikinig. Oo, mahilig akong mag-ulit ulit ng kantang bumabagay sa mood ko.

1:55 AM dito ngayon sa Murika. Patulog na dapat ako. Ipipikit ko na sana ang mga mata ko. Nang.. Naluha na naman ako. (Mas malala pa ata itong sakit ko kesa sa sakit ng mga nasa ospital, pero biro lang yun. Mas malala pa rin ang kanser sa pagka-homesick ko.) Kaya bumangon ako at inopen si lappy para magsulat dito. Maliban sa outlet ko to, napapatigil rin ako sa kakaiyak sa tuwing nagsusulat ako dito, syempre kahit papano kailangan ko pa ring mag-isip para naman hindi nakakahiya sa inyo na nagbabasa. Hindi naman ako makaisip ng umiiyak. Kaya ayan, nawala agad ang mga luha ko. Salamat wordpress.

Gusto ko lang i-larawan sa inyo kung ano ang pananaw ko sa salitang ito:

HOMESICK – isang salita na naglalarawan sa sobrang pagkalungkot, pagiyak at pagkabagot ng isang taong malayo sa kanyang pinanggalingan. Parang sakit na hindi. Hindi ko maipaliwanag kung bakit may “sick” sa salitang yan, wala naman akong lagnat o sipon o ubo. Isa rin yang pakiramdam na hindi mo maipaliwanag. Oo, parang pag-ibig, pero mas malalim pa rin ang pag-ibig syempre. Isang pakiramdam na kahit ang tanging paraan para ito’y mawala ay umuwi kung sang planeta ka mang galing pero hindi mo magawa dahil sa isa na namang salita.. SAKRIPISYO.

Magdadalawang buwan na akong narito. Pero hindi ko pa rin matanggap kung bakit hindi ko maisapuso ang propesyon ko. Minsang gusto ko ng magalit sa sarili ko kung bakit hindi ko kayang mahalin ang lisensya ko. Kung bakit hanggang ngayon, microprocessor pa rin ang nasa utak at puso ko.

Kaso may dalawang salita na naman, “no choice”. Wala na akong magawa, nandito na ako e. Sana lang maging masaya ako, at maging worth it lahat ng lungkot na nararamdaman ko ngayon. At alam kong kahit mahirap ngayon, malalagpasan ko rin lahat ng ‘to. Sabi nga nila, “walang ibibigay sayong pagsubok ang Diyos na hindi mo kaya..” Naniniwala ako dun at may tiwala rin ako sa Diyos.

Pagkatapos kong isulat ang huling paragraph na ito, ako’y mahihiga na. Pipikit at makikita ang limang taong nagbibigay ng inspirasyon at lakas ng loob sa akin. At kinabukasan, makakangiti na naman ako. Lalo na’t makakapanood ako ng teleserye ni Daniel Padilla.

 

PS. Wala akong pake sa typo. Inaantok na ako.

5,311 miles

Simula nung nag-umpisa akong magkolehiyo, limang taon ng nakakaraan, nabuhay na akong malayo sa pamilya ko. Hindi ako katulad mo na kapag umuuwi ng bahay pagkatapos ng mahabang araw sa eskwelahan, nakakasama mong kumain ng hapunan ang buong pamilya nagkkwentuhan kung anong nangyari sa araw mo at kung anu ano pa. Ako, mula noon, lagi akong naiiwan kasama ang lola, lolo at yaya. Kumbaga sa 365 days na meron sa isang taon, 21 hanggang 44 days lang kaming nagkakasama ng buo. Malungkot, oo. Pero nakakayanan ko naman. Isang linggong paglugmok at pag-iyak lang ang kailangan ko pagkatapos nun, ayos na. Sabi nila sanayan lang, oo naman. Pero sino ba namang hindi iiyak kapag nakikita mong umaalis ang buong pamilya mo. O sadyang iyakin lang talaga ako? Tanong ng kapatid ko, “Hindi ka pa ba nasasanay, Ate? Kami sanay na.” Syempre echosera talaga kapatid kong yun, dahil nung niyakap ko siya ng mahigpit at sinabi ko habang humahagulgol na huwag muna siyang magbboyfriend, naiyak rin naman siya. Sanay nga talaga siya. 

 

5,311 miles mula dito hanggang Pilipinas. Gusto ko ng umuwi. Gustong gusto ko ng umuwi!!! Tama sila, dito sa states, maayos, malinis at malayong mas maganda sa Pilipinas. Pero tama din ang Department of Tourism sa atin, It’s MORE FUN in the Philippines. Yun nga lang, aanhin ko naman ang sobrang kasiyahan kung wala naman akong bala para makuha yun? Andito sa states ang future na hinahangad ng bawat nurse sa Pilipinas. Tanga ba ako kung hindi ko to masyadong matanggap at mas gugustuhin kong umuwi na lang? O baka naman namimiss ko lang talaga ang pamilya ko. Kaso kahit hindi ko man tanggapin, alam kong, kailangan ko tong gawin. Mas mabuti ng magsimula ng maaga. Sa bawat hirap, i-hihinga ko na lang ng malalim at iisipin kong para sa kinabukasan ko, ng pamilya ko at ng taong makakasama ko habang buhay ang lahat ng sakripisyong gagawin ko..  

Ipipikit ko na lang ang lahat. Sabi nga nila, “Lakas loob lang yan!”

Kung in love ka, eh di in love ka.

Kakatapos kong manood ng “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?” ng KimXi. Gusto kong magpasalamat sa pelikulang yon at sa kyuteks kong kulay talong dahil ito ang mga nag-udyok sa aking magsulat muli. Wag kang mag-alala, hindi ako gagawa ng review ng pelikulang yon, baka naman magalit sa akin ang mga hindi pa nakakapanuod, sabihin pang panis ako.

Damang dama ko yung pelikula. Aba syempre pag-ibig ang tema. Sa mga taong kilala ako ayon sa mga naisulat ko dito sa online journal ko, oo tama kayo sobrang kinilig ako. At sa bawat iyak ng karakter, nakiiyak din ako. Ewan ko ba. Crush naman ako ng crush ko. Mahal naman ako ng mahal ko. O teka kinikilig ako. (Hinga)

May mahal ka ba ngayon? Katabi mo ba siya? Nasa malayo? Malapit na kayo magkita? Excited ka na? Haaaaayyy. Kahit ano pa diyan ang sitwasyon niyo ng mahal mo isa lang ang tanong ko sayo, ANG SARAP MAGMAHAL NOH? Yung hindi yung mababaw na pagmamahal, yung tipong malalim na masaya na damang dama mo kahit sabihin na nilang emotional ka. Bat ba? Feel mo eh. Wala naman magagawa ang kung sino mang tao, hindi man maganda sa paningin nila. Kahit mag-tumbling sila para matawid ang mga bahang daanan sa Maynila, kahit kumulot ang rebonded na buhok nila, kahit na ano pang pagpipigil nila.. Kung in love ka eh di in love ka. Walang makakapigil sayo. Yung pagmamahalan na meron kayo, isaksak mo sa puso mo, tapos ngumiti ngiti ka sa tuwing naaalala mo siya. Kiligin ka kahit malayo man kayo sa isat’t isa. Mabaliw ka sa sobrang pagka-in love, sige lang! Pero wag kakalimutang kailangan din gamitin ang utak. Hindi rin magandang malunod, kahit na alam mo pang mag-breast stroke.

Hanggang dito na lang muna. Nakakamiss rin palang magsulat. Muntik ko ng isuko ang site na ‘to. Buti na lang pinigilan niya ako 🙂

Pero bago matapos ang post na to, gusto ko lang sabihin, habang hawak ko ang puso ko, na….

IN LOVE AKO!!!

Waiting..

Akalain mo nga naman at nakagraduate din ako ng Nursing. Nalagpasan ko rin ang paggawa ng case study at pagsasalita sa mga case presentations. At nung nakaraang taon, nakapagtake na rin ako ng board exam. Ang board exam na matagal na hinintay ng mga estudyanteng kumukuha ng nursing. Sarap sa feeling sumagot ng exam. Sa utak mo tatakbo ang mga salitang, “ETO NA TALAGA TO!!!” Ingat ingat sa pagshade, bawat tanong at bawat pagshade ng sagot, samahan ng dasal. Isa sa mga sikreto ng pagiging successful sa buhay ay ang pagdadasal sabi nga ng karamihan. At pinaniniwalaan ko naman talaga yun. Pagkatapos sumagot ng limang daang tanong, ang sarap sarap sa pakiramdam lumabas sa testing room. Lalo na sa paglabas mo, makikita mo agad ang nanay mong sinamahan ka sa dalawang araw mong pag-take ng exam. Yung halos maiyak iyak ka sa tuwa at kaba.

Ngayon, naghihintay pa rin ako at ang buong batch sa paglabas ng results. At sa mga panahong ito, praning na praning na talaga ako. Iniisip ko araw-araw ang pagbura ko ng sagot sa isang item. WOOOOOO. Lumabas na sana ng matapos na ang paghihintay. Sana pumasa kaming lahat na nag-take.

Let your Will be done, Lord.

Pusong masaya :)

Kung nagbabasa ka ng mga sinusulat ko simula ng nabasag ang puso ko, sa tingin ko makakarelate ka at maiintindihan mo ang isusulat ko ngayon. Kung hindi naman at ito ang unang post ko na mababasa mo, hmmm sa tingin ko makakarelate ka din naman kahit papano. Kung di ka kuntento, basahin mo na lang yung mga nakaraang posts ko para di ka na mamroblema.

 

May taong bumalik. Yung taong dating bumasag sa puso ko at pinatay kung ano yung dating ako. Yung taong minahal at minamahal ko ng sobra sobra. Yung taong dating nang iwan.

 

Maraming nagtanong kung bakit ko pa siya tinanggap ulit. Sabi ng iba, baka daw saktan niya ako ulit at iwan. Naisip ko rin naman yun. Pero inisip ko, siguro kung sasaktan man niya ako ulit, sa pagkakataong ito, alam ko na yung dapat gawin. Sa walong buwan na nawala siya, marami rin naman akong natutunan. Katulad ng pagiging matatag. Natutunan kong maging mas malakas. Natutunan kong maging superhero na sarili ko mismo ang nililigtas ko. Sabi nga nila, hindi daw dapat ikasama ng loob kapag may nangyayari masakit at hindi maganda sa’yo kasi balang araw marrealize mo na yun yung nagturo sayong maging malakas at matatag sa buhay.

 

Hindi lang naman yan ang rason ko. Sapat na siguro kung sabihin kong, “Tinanggap ko siya ulit, kasi mahal ko pa rin siya. Mahal na mahal..” Hindi ko pwedeng i-deny yun. Hindi ko pwedeng labanan ang sarili ko pagdating sa mga ganyang bagay. Kailangan kong tanggapin na yun yung totoo, na oo mahal ko pa rin yung tao kahit ano pang nagawa niya. At siguro pagsisihan ko kung hindi ko siya tatanggapin. Palalayuin ko pa ba yung isang taong alam kong magpapasaya sa akin ng husto? Ikaw sa tingin mo?

 

Ngayon, hindi ko pinagsisihan yung naging desisyon ko. Ang saya saya ko. Kung puro iyak at lungkot ang naranasan ko nung nakaraang taon, ngayon sumasabog naman ang puso ko sa kilig at saya ng dahil sa kanya. Sana hindi na matapos. Sana kami na lang habambuhay..

At napapangiti ka na lang..

“There’s a rainbow always after the rain..” 

Nagsimula ang kwento sa isang napakadilim na kwarto, kung saan yakap yakap mo ang binigay niyang teddy bear at wala kang tigil sa kakaiyak. Iniisip mo ang bagay na pinagsisihan mong gawin, mga bagay na sana ginawa mo na lang din para makuha siya ulit kahit alam mong wala ka na talagang laban. Ang mga araw na halos mamatay ka sa lungkot dahil nasanay kang may good morning text message galing sa kanya at dahil sobrang nasasaktan ka talaga. Iniisip mo yung mga panahong pinupuntahan ka niya para lang makasama ng matagal. Yung mga panahong wala ka na lang ginawa kundi tumawa at kiligin. At ang mga oras na hinihiling mong sana kayo na lang ulit. Sana hindi ka nasasaktan ngayon. Sana hindi siya nagsawa. Sana hindi siya bumitaw. Sana nahintay ka niya. Puro sana. Sana… Sana… Sana… Pero sa huli, wala kang nagawa kundi mabuhay ng wala sa nakasanayan mo ng halos dalawang taon. Kasi kailangan, kasi hindi pwedeng huminto ang mundo mo kahit siya pa ang nawala. Kasi kailangan mong matutunan ang salitang “acceptance”. At kasi kailangan mong mabuhay..

Sabihin na nating, ilang buwan na ang nakalipas simula ng sinabi niya ang mga katagang, “Kaibigan na lang ang turing ko sayo..” Ouch. Sakit noh? Tapos maraming iikot sa utak mo. Feeling mo natanggalan ka ng isang parte ng katawan mo at sa sobrang sakit. May letter. Last letter kuno. Daming nasabi. May promise. Tapos isang araw, basag lahat ng pangako. Yung mga bagay na hindi inaasahan, nangyayari. Magagalit ka. Maiinis. At boom! Ikaw na si Miss Bitter 2011.

At ng dahil sa mga nararamdaman mo, to the rescue ang super friends.  Andiyan sila para pagalitan ka dahil sa mga katangahan mo, patawanin ka hanggang sa makalimutan mong nasasaktan ka at marrealize mong hindi isang malaking kawalan ang pag alis ng isang tao sa buhay mo. Oo, may mga bagay na natutunan ka sa taong yun. Isa siya sa mga pinaghugutan mo ng lakas dati. Pero hindi ibig sabihin na titigil ang mundo ng dahil sa nawala siya. Kailangan mong ipagpatuloy ang paglalakbay. Hindi pwedeng habambuhay ka na lang sa stopover. Malay mo may mas magaganda ka pang makita sa kabilang kanto.

Paggising mo isang araw, maiisip mo lahat ng nangyari at lahat lahat ng napagdaanan mo. Tapos mapapangiti ka na lang at magpapasalamat sa lahat ng tumulong sayo lalo na sa Diyos dahil nakayanan mo lahat ng pagsubok na binigay Niya sa buhay mo. Sa wakas! Dumating na rin ang araw na nasabi mo sa sarili mong, “Okay na ako.” Sobrang sarap sa pakiramdam hindi ba? 🙂

At dahil okay ka na. Bawal na emote emote. I-enjoy ang buhay. 🙂 Pakinngan ang kantang Young, Wild and Free ni Whiz Khalifa. At wag tumigil na maniwalang, true love waits.

Anong trip ng buhay mo?

Simple lang naman ang gusto ko nung bata pa ako e. Ang maging isang doktor. At parang lahat naman ng bata pangarap o ambisyon din yun sa buhay. Kapag yun kasi ang isinasagot sa mga titser na nagtatanong kung ano ang gusto ng isang bata paglaki, madali lang magbigay ng rason. Simpleng pagsabi lang ng, “Kasi po titser gusto ko pong makatulong sa mga may sakit at mahihirap..” Sa ganung sagot, bilib na bilib naman na ang titser mo. Mataas na grado mo sa recitation o di kaya lalagyan ka ng star ng titser mo sa kamay at tuwang tuwa ka namang ipakita sa nanay mong naglalaba. Tama ba ako?

 

Habang nilalakbay ko ang pagiging buhay estudyante ko, nasa isip ko pa din ang pag-aaral ng medicine kapag ako’y magkokolehiyo. Pero isang araw, nagising na lang ako na iba na ang gusto ko. Sobra kong idol ang mga magulang ko, kaya naman gusto kong mag-aral ng Information and Technology o IT. Masyado ko rin kasing mahal ang mga computers at iba pang mga gadgets diyan. Basta lahat ng may koneksyon sa technology gusto kong pag-aralan. Yun nga lang, kahit na gusto ko yun, mas pinili kong kunin ang pambansang kurso, ang nursing. Sa parteng ito, ang masasabi ko na lang ay ang isa sa pinakasikat na kataga sa mundo, “MOTHER KNOWS BEST”..

 

Pero sa kabilang banda, nagpapasalamat pa rin ako at ang kasalukuyan kong kurso ang pinili ko. Bukod sa toxic at magastos, masaya at maraming matututunan sa pag-aaral ng nursing.

 

At bumabalik ang utak ko sa IT. Gusto kong matuto pa ng napakarami tungkol sa technology. Gusto kong maging web designer. Gusto kong maging magaling na photo editor. Minsan pa nga pumapasok sa utak ko ang mag-aral ng photography. At nung nakaraang buwan, nasabi ko na ring gusto kong mag-aral ng medicine. Pero naisip ko ulet, parang andami ko naman ng gustong gawin.  Kailangan ko talagang pag-isipan kung saan ako dadaan.

 

Sa totoo lang, hindi ko pa talaga alam kung ano ang trip o ruta ng buhay ko. Napakatagal na rin akong nagiisip kung ano ba talaga ang gusto ko. Pero sabi nga naman ng tatay ko sa akin noon, “Kailangan mo munang mag-focus kung nasaan ka ngayon. Kapag natapos mo na, gawin mo na lahat ng gusto mong gawin..”